ang sulating ito ay gawa gawa lamang. ang anumang mga pangalan, mga karakter, lugar at pangyayari na nabanggit dito ay panay ang produkto ng imahinasyon ng may-akda. anumang pagkakahawig sa tunay na pangyayari, lugar o mga taong nakatira o patay na, ay lubos na hindi sinasadya.
unang yugto: pagninilay
wala syang matapos sa mga nasimulan nya. at patindi pa rin ng patindi ang pagkabog ng dibdib nya. parang may nararamdaman syang galit sa dibdib nya. galit na di nya maipaliwanag. pakiramdam na hindi naman sa galit talaga. o sadyang di lang nya maipaliwanag kung saan ba talaga galing ang pakiramdam na ito.kung saan man ito nanggaling ay pilit niyang kinakalimutan. nagsimula na syang pagpawisan ng malamig. halos mamuti na ang kanyang kamao sa higpit ng pagkakasara nito. hindi rin nya alintanang nanginginig na ang kanyang kamay. ilang ulit nyang sinuntok ang pader na malapit sa kanya para manumbalik ang pakiramdam. ngunit bigo siya. walang epekto. di pa nya nararamdaman ang sakit na dulot ng huli nyang ginawa.
bumalik sya sa pagkakahiga at sinubukan ulit niyang pumikit at hinayaang maglakbay ang diwa nya kung saan man palarin. ngunit kahit anong pilit niya ay bumabalik pa rin ang imahe ng kanyang minamahal. pilit man nyang ibahin ang iniisip. hanggat maaari ay ayaw niyang isipin ang kahit na ano na magpapaalala sa kanya patungkol kay ivette. subalit parang nanunuksong pilit ang kanyang diwa na paulit ulit syang kinukutya sa kanyang isipan ng mga bagay patungkol kay ivette.
naalala nya ang mga mata ng kanyang mahal, ang pinakapaborito nyang parte ng katawan ni ivette. ang mga matang nangungusap. ang mga matang nagbibigay liwanag sa kanya. ang mga matang nagbibigay buhay sa mga araw nyang parang lugmok sa pagod, problema at kung ano-ano pa. ang mga mata ni ivette na nagbibigay laya sa kanya. ang mga matang nakakahumaling. mga mata ni ivette.
may mga pagkakataon rin na parang sunod-sunuran sya sa mga naisin nya. mga pagkakataong nais nyang mas lalong mapalapit kay ivette. sa mga paraang minsan ay nakakalimot na sya sa sarili. mga panahong kung ano man ang naisin ay kanyang susundin at gagawin. may pagkakataong nasasaktan na rin nya ang sarili ngunit di nya ito iniinda, basta mapaligaya nya ang kanyang mahal. lahat ng sakit ay balewala. kung maaari lang isanla ang sarili o maging ang kaluluwa at buong pagkatao para lang sa ikaliligaya ni ivette ay gagawin nya. hindi rin maipaliwanag ni boyet kung bakit ganun katindi ang pagkahumaling nya sa dalaga.
minulat nya ang kanyang mga mata at sinulyapang uli ang litrato ni ivette sa kanyang cellphone. makailang ulit na rin syang nakipagtalo sa sarili na iwasan ang ganitong pagkakataon ngunit sadyang nahihirapan syang gawin ang bagay na ito. pinipigilan nyang wag na ulit magiwan ng mensahe para mangamusta at ipaalalang narito pa rin sya na handang tanggapin kung ano mang oras nya naising bumalik. di na rin mabilang ang pagkakataong nabigo sya at umaasang makakatanggap sya ng kasagutang hindi pa rin dumadating.
"ano na kaya ang ginagawa nya?"
muli na naman syang napaisip kahit na nais nyang wag munang mag-alala at hayaan na lamang munang ito. pero hindi ganun ang nangyari.
nagbukas na lang sya ng computer. nagbakasakali uling merong sagot sa kanyang mga unang tanong at pangangamusta. kahit na napakalaking tsansang wala syang mababasa, umasa pa rin sya. at hindi nga sya pumalya. tama ang hula nya..
wala ngang mensahe galing sa kanya.
*itutuloy*
0 comments:
Post a Comment