sa isang iglap natagpuan ko ang sarili kong nakatulala at di kumikilos. nakapagtatakang gawin ko ang bagay na ito. para akong inaatake sa puso. naninikip ang dibdib ko. di ako makakilos. gising ang diwa ko. alam ko ang nangyayari sa paligid ko. napapakinggan ko pa rin ang tunog mula sa headset ko. buhay pa ako. buti naman. pero madaming tanong na bumabalot sa isip ko. bakit ako parang tuod. bakit nakikita ko ang sarili kong nakatitig lang sa harap ng monitor. parang ang layo ng tinitignan. parang nakatulala sa kawalan. gusto kong yugyugin ang sarili ko. gisingin ang sarili baka isa lamang tong panaginip. pero hindi ito isang panaginip. nanikip ulit ang dibdib ko. tinangka kong lingunin ang oras parang di pa lumilipas ang isang minuto pero parang pakiramdam ko ilang oras na akong nakapako sa kinauupuan ko. tinititigang mabuti ang mga bawat letrang lumalabas sa screen kung saan di ko pansin na tuloy tuloy lang ang aking mga daliri sa pagsalat at pagpindot ng mga letra sa keyboard. di ko pa rin lubos maisip bakit ko ginagawa to. bakit tuloy pa rin ang pagsikip ng dibdib ko? bakit wala akong ginagawa upang ibsan ang sakit na ito? kathang isip ko lang ba ang sakit? pero bakit parang namamanhid na rin ang mga braso ko? nagsisimula ng magdilim ang paningin ko. sa ilang saglit lang e parang nagunita ko na ang mga susunod na mga mangyayari. ito na ba lahat yun? muli kong binalikan lahat ng mga alaala ng aking nakalipas. binabalikbalikan ko ang mga kayang alalahanin ng isipan ko. natanong ko ulit ang - bakit? dito na lang nagtatapos ang lahat? bakit parang bumibigat lalo ang laman ng dibdib ko? bumabagal na ang aking paghinga. limang minuto pa lang ang nakakalipas. unti unti kong napansing bumabagsak ang sarili ko. mabagal. bakit parang ang tagal ng bawat sandali pero parang ilang oras na kong nakalublob sa tubig. hindi na pala ako makahinga. wala man lang akong lakas para hawakan man lang ang dibdib kong naninikip o pwersa para ibuka ang bibig ko upang sumigaw at humingi ng saklolo. at dun natapos ang lahat. sa panahon na lumagapak ang walang buhay kong katawan sa harapan ng aking kinauupuan. isang maingay na pagbagsak kasunod ng nakakabinging katahimikan. inabot lang ng mahigit labing limang minuto ang lahat ng nangyari na parang pitong oras ang itinagal.hindi na nasundan ang mga pangyayari pagtapos nun...
0 comments:
Post a Comment