alam ko namang aalis kami pero di ko naman inexpect na maaga pala. mga alas tres ng madaling araw ako nakatulog kasi may binabasa ako (hindi related sa studies whatsoever) so mabalik lang.
habang nasa byahe papuntang pier parang tour guide si tatay. "o dyan banda ninong jimmy ni (insert kapatid's name)" "ay mali dun pala banda lagpas na" , mayron ring "dun sa tabi ng dating petron na ngayon e ibang gasolinahan na yung restaurant na nagseserve ng pansit na paborito ng mommy mo." "dyan dati nakatira sila mommy mo, binenta yung bahay nila dun para mabili yung bahay sa ***** verde." "dito ako dati pumipila nung nagta-tricycle pa ako.."
maraming ala-ala. estranghero man sa akin pero nakikinig pa rin ako. kahit di ko masyadong maintindihan kasi maingay yung takbo ng jeep at marami ring maingay na katabi. (tinatanggal ko naman ang headphones ko kapag kinakausap ako ng tatay ko pramis). tapos nung may nakikita na akong mga parang daungan. humirit si tatay na malapit na daw kami sa pier. nalampasan na namin yung bagsakan ng mga isda na nagsusupply ng mga isda sa buong maynila sabi nya. tapos kaunting sulong ng jeep naamoy ko na yung halimuyak ng smokey mountain. napaka cliche siguro kung biglang tutugtog sa radio yung "paraiso" ng smokey mountain sa radio, kaso nga lang sa isip ko lang sya nagplay.
nung andun na kami sa pier, mahigit dalawang oras kaming naghihintay. wala pa pala yung kausap nya. nung dumating e hindi pa daw naibababa yung kargada mula sa barko kasi may inaantay pang signatory de juan na hindi pa rin nagpapakita simula kahapon. so ang siste, nagpunta na muna kami sa divisoria para bilhin yung kailangan kong sapatos.
isa sa mga natawa akong paguusap namin ng tatay ko ay nung may naikwento syang nangyari sa kanila nung nanay ko nung minsang naglalakad sila sa divisoria. bigla daw kasing may bumatok sa nanay ko. tapos nun just like magic nawala rin yung kwintas na suot nya! habang humahagulgol daw yung nanay ko e pinuntahan daw nila yung pamangkin ng tatay ko na pulis na dun nakadestino. pagtapos daw magsumbong may pinuntahang tomboy yung pulis. binatukan rin. "pati ang tiya ko tinalo" sabi daw ng pulis, tapos ayun naibalik yung kwintas ng nanay ko.
inabutan na kami ng ala una dun sa divisoria kaya kumain muna kami saglit tapos naglibot libot. nung pabalik na kami ulit sa pier ay inabutan kami ng ulan. ang saya lang. basang basa kami ng tatay ko kahit may payong kaming dala. hindi rin kinaya. buti na lang at waterproof ang bag na dala ko kaya dun ko nilagay yung cellphone ko at hindi nasira. yey.
at nakauwi kami ng mga bandang alas otso. kasi trapik.