pag ihip ng apoy sa kandilang hindi dapat sinindihan

akala mo siguro nakalimot na ako, sa bawat araw na nagdaraan na hindi kita naaalala, sa bawat taong nakakasalamuha ko na hindi kita naikukwento man lang. siguro sa mga oras na ito kinamumuhian mo na ako. di naman kita masisi kung ganun man ang pakiramdam mo. may mga pagkukulang rin naman ako sa iyo. aminado ako sa mga yun. nangyari na ang mga nangyari. parte na iyon na ng nakaraan natin, parte ng aking pagkatao, at kung nasan ka man ngayon.

hindi siguro sapat kung sabihin ko mang patawad ng paulit ulit, malamang hindi mo na mararamdaman ang sinseridad ng mga salitang ito lalo pa't ngayong wala ka na. kung isang malaking dagok ang nangyayari sa akin ngayon dahil sa ginawa ko ay tatanggapin ko,o malamang ay hinaharap ko na sya sa bawat araw na nagdaraan. kung kinakailangan pa akong parusahan, bigyan mo man lang ako ng signos kung paano ko maisasakatuparan ang iyong nais. kung hindi pa sapat ang pagkapaso ng aking sarili sa pagtangkang hipan ang liwanag na nagsisilbing buhay mo. sa pagkadama ng init ng bawat mainit na patak na ikinukumpara mo sa mga luhang iniiyak mo. bawat luhang ipinatak ay may kasunod na daliring napapaso na nagpupumilit pawiin ang sakripisyong ginagawa mo.

sa sandaling panahon ng ating pagsasama, at kung sakaling magkakaharap man tayong muli, personal kong ihihingi ng kapatawaran ang mga salang nagawa ko. hiling ko sana'y nasa puso mo pa na tanggapin ako sa likod ng lahat ng aking pagkukulang at sa pag-ihip ng apoy na nasa dulo ng nasusunog na pisi na nagkokonekta ng buhay mo na nakasalalay sa aking kamay.

0 comments: