sa isang ideya nagsimula. di mo alam kung bakit. dyan rin nabuo ang di dapat nabuo. hindi mo namalayan dun ka na namumuhay. at iiwan ka sa huli na nagtataka at puno ng pagdududa. wala kang habol. wala naman talagang nangyari. kinuha ka sa mundong ginagalawan mo.di mo alam kung kusa kang pumasok sa mundo nila. o napursigi ka lang na pumasok para makitungo at makibagay sa kung ano mang kilos, gawa, pagiisip o kung ano man ang kinakailangan para manatili ka sa lugar nila. ni minsan di ka nagtaka. ni hindi man lang nagdalwang isip sa mga kilos o sa mga pagbabagong nangyayari. sumabay ka sa agos ng panahon. sa panahon na kung saan para kang lutang sa pinagbabawal na ligaya. nasaid ng sobrang ligaya na di mo na alam kung tama ba talaga ang iyong ginagawa o ang mas kalunos lunos kung tunay nga ba ang ligayang dapat mong maramdaman. di ka na nakapagisip. pero sige lang. masaya ka sa mga oras na iyon. sa sobrang saya na para ka ng bulag sa mga nangyayari sa harapan mo. para kang ninanakawan ng harap-harapan pero masyado kang lango at di mo mawari na ikaw pala ay nasasalisihan na ng di mo nalalaman. hanggang sa bigla na lang silang mawawala. dun pa lang magsisimula ang pagtataka at ang pagtatanong sa sarili. anong nangyari? bakit nagkaganon? bakit nawala? may nasabi ba ako? may nagawa ba kong mali? bakit parang sa mga ganitong pagkakataon tinatanong mo ang sarili mo? na parang ang punot-dulo ng lahat ay ikaw ang may sala. na ang sarili ang dapat managot sa lahat lahat ng nangyari. ngunit sa isang banda ikaw lang ba ang dapat sisihin sa lahat lahat? paano na kung malaman mong isa ka lamang piyesa o parte ng tauhan para sa kwentong ginawa para makaalpas ang isa sa sitwasyong kanyang tinatahak? na ikaw ay pwedeng ihalintulad sa isang terminal o istasyon na kung saan magpapalipas lamang ng ilang sandali at lilisan rin pagkatapos. na ginamit ka lamang upang maibsan ang lungkot at paninibugho ng damdamin para makapag simula sya muli ng panibagong buhay, ngunit di ka nga lang kasama. isa ka lamang instrumento para pagbasehan ng mabuting ehemplo o isang makaidelohiyang kaisipan na magiging basehan ng dapat at hindi dapat.o isa ka lamang katatawanan. isa itong sumpang parang pinataw sayo simula ng lumisan ka sa kung san ka man naroon dati. na ikaw ay pinagkakatuwaan lamang. na ikaw ay isa lamang isang malaking biro. na pinagtatawanan sa pagkakataon na ikaw ay pinaglalaruan. isip man o damdamin. siguro sa ngayon matatawa ka na lang kapag naiisip mo ang nangyari. wala ka naman ng magagawa, nangyari na ang mga nangyari. kailangan pa bang ihingi ng kapatawaran? kung di rin naman maipaliwanag kung bakit nangyari ang mga nangyari? kailangan mo rin bang humingi ng dispensa para sa mga nagawa mong kapalpakan? pero naihingi mo na ng kapatawaran yun. kailangan na lang bang tanggapin ang mga nangyari? ganun na lang ata. wala na atang remedyong magagawa. kahit ilang masilya pa ang itapal mo ganun pa rin. kahit pagsuotin mo ng marangyang kasuotan ganun pa rin. san na nga napunta ang dati? iba na kasi sya ngayon. iba ka na rin. nagbago na ba ang lahat lahat? o sadya nga lang mabagal ka para humabol sa takbo ng kasalukuyan. siguro nga. pero malay mo nagkakamali ka lang ulit. balik ka na lang muna sa mundo mo. kung nasaan ka nuon. lagyan ng harang ang dapat lagyan ng harang. ikulong ang dapat ikulong. gamitin ang alaala upang aliwin ang sarili. huwag ng hayaang mangyari pa ang mga kasuklam suklam na bagay na ayaw mo ng mangyari. manatiling gising. mangarap pa rin. magtiwala sa dapat pagkatiwalaan. at ihanda ang sarili baka niloloko ka naman ng pagkakataon. at magising na namumuhay ka na naman sa mundo ng kasinungalingan.
kasinungalingan
Posted by
B
Monday, August 09, 2010
Labels: letters to you , lies , note to self , random
0 comments:
Post a Comment