pagtupad ng isa sa aking pangarap


siguro dumating na rin ako sa point na pinagdaanan ng character na nasa manga na ito. napagdaanan ko na yung mga malulungkot na pangungulila, mga pagbelawala sa mga saloobin mo, sa mga sugat gawa ng mga pisikal na pananakit pati mg hindi makitang sugat gawa ng mga pananakit na gawa ng emosyon at kung ano anong shit. tumulo ang luha mo isa man sa mga dahilan na andyan, pwede ring tumulo ang luha mo kasi sa sobrang kasiyahan mo, pero aminin mo - mas madalas bang maluha ka sa tuwa o sa kalungkutan?

maraming kabullshitan sa mundo natin. maaaring alam o lingid sa kaalaman mo, marami talaga. dumating sa panahon na naging iyakin ka. dumaan ka sa panahong lahat ng nagdudulot ng sakit sayo ay kailangang ilabas mo sa pamamagitan ng pagtulo ng luha mo. mamumugto ang mata mo pagtapos mong iiyak yan, pagtapos ano na? oo nga naman, ano ba namang malay ko sa nararamdaman mo..kahit siguro subukan mong ipaliwanag e may makakaintindi ba talaga kung ano ang nararamdaman mo, kung sarili mo nga mismo e hindi mo maipaliwanag kung ano ang nararamdaman mo. 

kailan ba ako tumigil sa pag-iyak sa mga bagay na dapat apektado ako? hmmm siguro ng dahan dahan akong nasanay sa paulit ulit na mga bagay na dapat iiyak ko pero dahil sa ibang pagkakataon na yun e hindi ka dapat magpakita ng emosyon mo e nagpakita ka na lang ng "best poker face" na pwede mong iharap sa mga taong andun. mahirap sa una. pero pag tumagal tagal, siguro kahit may mamamatay sa harap ko e hindi na siguro ako maluluha. putangina lang. para na akong robot. isa siguro to sa mga pinakaayaw kong kaugalian na nakuha ko sa propesyon ko. ang hindi magpakita ng nakapanlulumong emosyon sa harap ng tao. na kailangan mong maging matatag sa harap ng mga suliranin. so siguro iipunin mo lang lahat yun tapos kung magsnap ka e goodluck na lang sa mga mangyayari..

maswerte nga siguro ang mga pumanaw na. sa kabila ng lahat e naranasan nila ang mabuhay, ang masaktan, ang mabigo at magtagumpay. lumuha rin ba sila? malamang oo. wala talagang kinalaman ang mga pumanaw sa sulat kong ito. kung bakit ko nabanggit yun, di ko rin alam. siguro sa sabkonsyo ko e mas gusto ko panandaliang pumanaw. kahit saglit lang. pero babalik rin ako...



bukas.

mamaya

maraming kailangang tapusin
hindi na rin magkandaugaga
kailangan pa bang may unahin
bago ikay maging aligaga

di alam kung san hinugot
mga patutsadang baluktot
kung kailan nais matapos
tsaka ka naman kinakapos

lahat ng bagay halos isinasantabi
yung iba nga tila'y walang pasabi
binabalikan na lamang kung kelan nais
sadyang sayang ang pagtulo ng mga pawis

gasgas na salitang gamit palusot
pantakas sa nagawang gusot
binalak pang sa iba ipaubaya
puro ka kasi sambit ng - mamaya

pag ihip ng apoy sa kandilang hindi dapat sinindihan

akala mo siguro nakalimot na ako, sa bawat araw na nagdaraan na hindi kita naaalala, sa bawat taong nakakasalamuha ko na hindi kita naikukwento man lang. siguro sa mga oras na ito kinamumuhian mo na ako. di naman kita masisi kung ganun man ang pakiramdam mo. may mga pagkukulang rin naman ako sa iyo. aminado ako sa mga yun. nangyari na ang mga nangyari. parte na iyon na ng nakaraan natin, parte ng aking pagkatao, at kung nasan ka man ngayon.

hindi siguro sapat kung sabihin ko mang patawad ng paulit ulit, malamang hindi mo na mararamdaman ang sinseridad ng mga salitang ito lalo pa't ngayong wala ka na. kung isang malaking dagok ang nangyayari sa akin ngayon dahil sa ginawa ko ay tatanggapin ko,o malamang ay hinaharap ko na sya sa bawat araw na nagdaraan. kung kinakailangan pa akong parusahan, bigyan mo man lang ako ng signos kung paano ko maisasakatuparan ang iyong nais. kung hindi pa sapat ang pagkapaso ng aking sarili sa pagtangkang hipan ang liwanag na nagsisilbing buhay mo. sa pagkadama ng init ng bawat mainit na patak na ikinukumpara mo sa mga luhang iniiyak mo. bawat luhang ipinatak ay may kasunod na daliring napapaso na nagpupumilit pawiin ang sakripisyong ginagawa mo.

sa sandaling panahon ng ating pagsasama, at kung sakaling magkakaharap man tayong muli, personal kong ihihingi ng kapatawaran ang mga salang nagawa ko. hiling ko sana'y nasa puso mo pa na tanggapin ako sa likod ng lahat ng aking pagkukulang at sa pag-ihip ng apoy na nasa dulo ng nasusunog na pisi na nagkokonekta ng buhay mo na nakasalalay sa aking kamay.