unang buslo kabyos, ikalawang buslo sablay!

ilang segundo na lang ang nalalabi. tabla ang parehong koponan. at  pinakaimportanteng tira sa buong laro ay nakasalalay sa mga mangyayaring kasunod.

dribol

dribol

buntong hininga habang inaalala at isinasantabi yung mg asungot na katunggali na nasa kaliwa, kanan at nasa likuran ng ring. iblanko ang isipan. panatilihing nakatutok ang imahe ng ring na unti unting lumalaki para mas madaling maipasok ang bolang kanina mo pa dinidribol.

dribol ulit..

sa kabila ng ingay at panggugulo ng iba ay di nagpapaapekto. siguro ay handa ka ng bitawan ang at pakawalan ang unang buslo. tinantya. inispat mabuti. pagkahagis napansing mayroong mali. kung nakaslowmo ang kuha mula sa ibat ibang anggulo. mapapansin agad kung ano ang pagkukulang.

diretso naman ang pagbitiw, nakaayos ang porma ng kamay, kinulang lamang sa lakas.

kabyos.


nakakabinging tawanan ang sumunod. natabunan ang inis ng ingay ng mga nasa paligid. parang nanlambot ang tuhod sa pagkakamaling nagawa. sa kabila nuon e nilapitan ka ng mga kakampi. tinapik sa balikat. "ok lang yan may kasunod pa naman" muling kinalma ang sarili. inantay iabot ang bola. ikalawang pagkakataon na ito.

nanginginig ang kamay. kabado. nanlalamig ang mga pawis na tumutulo sa gilid ng mukha. tuyo ang lalumunan. tiniis ang sakit sa paglunok ng laway. pumikit. pagmulat ng mata'y walang pag-agam agam na binigay ang ikalawang buslo.

pinagmasdan ang bolang umiikot sa himpapawid..

ang bolang ng pag-asang mag-uuwi ng tagumpay..

ang siyang magbibigay ng buhay sa koponan niyong nalulumbay..

subalit sumablay.

ayun patay.

bulung-bulungan ng hangin, ilang minuto bago maghating gabi

saan ka nga ba patungo?
naliligaw na namang puso
parating balik parito 
di talaga magkandatuto

para bang nakatingin lang sa harapan
wala ng napapansin sa tagiliran
para makaiwas sa takot na maihalintulad
sinasadyang dahan dahang umusad

sa mga salitang inipon sa isipan
na sa hangin naman binibitawan
pilit mang tinatago at iniingatan
sa tamang oras ito'y pakakawalan

kadalasa'y "sana" ang laging hiling
para maalis ang alin mang nakatabing
maghihintay sa araw ng iyong pagdating
hahamakin ang lahat para ika'y makapiling

ibibigay ang lahat at magpaparaya
kung tanging kapalit nito'y paglaya
ng pusong matagal ng nakagapos
sa kalungkutang hindi matapos-tapos

alay

patungo sa iyo, ako'y naglakbay

may hawak na dalawang bagay
bulaklak sa kaliwa'y tangan
puso ko naman sa kanan.

bulaklak bilang pagsalubong
mabango't bagong usbong
kasabay ang puso bilang alay
lahat ng kaya ay ibibigay

at sa paglubog ng araw
gabi'y muling matatanaw
sana lamang ika'y kapiling
sa mga susunod na araw pang darating